Sunday, October 3, 2010

tol...i luv you! part 4

Mistulang tutulo na rin ang mga
luha ko habang kinakanta ng
kasama naming singer ang
kantang “Lead Me Lord”. Ang
bawat kataga noon ay tila mga
sibat na tumatama sa bawat
puso naming mga participants.
Ewan ko kung ano ang mga nasa
isip ng mga kapwa kong
“ buddies“ pero sa kanta pa lang
ay tila nanumbalik ang katinuan
ng pag-iisip ko, pakiwari ko ay
may gumagapang na lungkot sa
buong katawan, may hinahanap
na kung ano sa kaibuturan ng
aking pagkatao. “Bakit nga pala
narito ako sa mundong ito na ni
minsan hindi ko naman pinili o
ginusto ang ipanganak dito?
Sino ba ang nagdesisyon nito
para sa akin? At bakit? Bakit sa
parte pa ng mundong ito, at sino
ang pumili para sa akin ng mga
magulang ko, ng ganitong
klaseng buhay ko …? Ano
purpose ko dito sa mundo?
“Shiiiiiittttt! Bakit ba ako napasali
pa dito!” Sigaw ko sa sarili, di
makapaniwalang masadlak ako
sa ganoong klaseng activity.
Naramdaman ko na maraming
tuwalyang mapipiga sa dami ng
luhang expected kong aagos sa
activity na iyon. Ako kasi, ayaw
ng iyakan o sobrang drama.
Gusto ko masaya, katatawanan,
kantyawan, bangkaan ng kung
anu-anong kabulastugang
experiences.
Nagsalita ang aming moderator.
“ Gawin muna nating semi-circle
ang arrangement ng pag-upo
natin …”
Tumayo kami at nag-adjust sa
pag-upo sa mabuhanging beach
upang ma-porma ang semi-circle,
karamihan ay naka-upong naka
cross-leg. Noong makapwesto na
ang lahat, pumwesto naman sa
bakanteng space paharap sa
amin ang moderator at naupo sa
sentro nito. “Itong lugar na
inuupuan ko paharap sa inyo ay
tatawagin nating ‘hot seat’. Kung
sino ang magsasalita o magsi-
share ay lilipat dito at dito uupo.
Ang sequence naman ng pagsi-
share ay through lottery. Kung
sino iyong nagsasalita ay
pagkatapus niya, siya ang
bubunot ng pangalan ng
susunod na mag-share. Dito
bubunutin ang pangalan. ” At
inangat niya ang garapun kung
saan nakalagay ang mga
pangalan namin. “Wala bang
tanong?”
Walang sumagot.
“At… oo nga pala, libre kayong
magbigay ng katanungan,
kumento o payo. Ngunit bawal
ang criticism o ang makikipag-
argumento. OK, ako ang bubunot
sa pangalan ng unang
magsasalita ” At dinukot na ng
moderator ang pangalan ng
unang magsasalita.
Nong binasa na ang pangalan,
pangalan ng isang babaeng
kasama namin. Siya iyong
baguhan sa school na galing ng
Maynila at bagamat nakikita
namin sa panlabas niyang anyo
na isa siyang magandang babae,
sexy, magandang magdamit,
pang beauty queen o model
material, masayahing kaibigan,
palabiro at sweet sa lahat ng
mga myembro, hindi pa namin
talaga siya masyadong kilala.
Tumayo siya at pumwesto na sa
lugar kung saan unang nakaupo
ang moderator habang ang
moderator naman ay umupo sa
inuupuan noong babaeng
magsi-share.
Noong maupo na ang babaeng
“ buddy” naming iyon, sobrang
tahimik ang lahat animoy
nagpipigil ang bawat isa sa kung
ano mang emosyon ang
pweding umapaw. Sabi ko
naman sa sarili, “Ah, ano naman
kayang i-share nito, e, kung
titingnan mo sa panlabas na
anyo, ay tila wala na itong
mahihiling pa sa buhay. ”
“Magandang gabi –“
“Magandang umaga!” ang
pagbutt-in naman ng moderator
namin, pansin ang alertness niya
at kasanayan sa pag-handle ng
ganoong klaseng activity.
“Ay… umaga na pala. Good
morning!” sambit niya, napangiti
sa pagkakamali, at natawa
naman ang lahat, bagay na
nagpapagaan sa mabigat na
emosyon sa tagpong iyon.
“Ok…” ang pagsimula uli ng
buddy naming nasa hotseat na
tila ay humugot ng lakas ng loob
na magsalita. “Ang pinaka-low na
parte ng buhay ko na hanggang
ngayon ay nandyan pa rin ang
bakas ay iyong …” napahinto
siya ng sandali, pilit na pinigilan
ang pag-crack ng boses
Pigil-hininga naman kaming mga
nakikinig.
“…naanakan ako. Aaminin ko sa
inyo, na kaya ako lumipat ng
school ay dahil gusto kong
iwasan ang mga masasakit na
alaala sa parte ng buhay ko na
iyon. Noong malaman ng
boyfriend na buntis ako, gusto
niyang ipalaglag ang bata. Hindi
ko sinunod ang gusto niya. At
noong malaman niyang hindi ko
siya sinunod, iniwanan niya ako.
Ang masaklap, nadiskubre kong
may asawa pala siya at sumugod
sa eskwelahan ko ang asawa
niya. Nag-iskandalo ang babae at
tuloy, nalaman ng buong campus
na naging kasintahan ko ang
isang may pamilyang tao, at na
buntis ako. Sa hiya, hindi ko na
tinapus pa ang semester. Galit na
galit sa akin ang papa ko at
pinalayas ako sa bahay. Lumayas
ako. Iyon ang panahon na
pakiramdam ko ay gumuho ang
mundo ko. Hindi ko na
naramdaman pang may pag-asa
at pakiwari ko ay lahat ng tao ay
galit sa akin, pinagtatawanan
ako, pinagkaisahan. Sa totoo
lang, ilang beses ko ring pinag-
isipan ang magpkamatay. Mabuti
na lang at kahit papaano,
nandoon ang mama ko at
patuloy na sumusuporta.
Naramdaman ko ang
pagmamahal niya at pagdepensa
niya sa mga paninira sa akin.
Kinausap niya ang tita na doon
muna ako pansamantalang titira
sa kanila – hanggang sa
panganganak ko… Pinilit kong
itago sa mga kaibigan ko ang
mapait na kalagayan at masakit
karanasan sa takot na di nila ako
maintindihan o matanggap. Kaya
lumipat ako ng paaralan dito sa
probinsya. Ngunit ang hirap pala
kapag may itinatago ka…
sobrang bigat ng kalooban.”
Huminto siya ng sandali, pinahid
ang mga luha sa kanyang mga
mata at noong tila
nahimasmasan, binitiwan ang
isang pilit na ngiti. “Ngunit hindi
ko pinagsisihan ang pagsuway
sa boyfriend ko na ipalaglag ang
bata. Isang taon na ang baby ko
ngayon. Malusog na batang
lalaki, bibo, makulit... Siya ang
inspirasyon ko ngayon at
bubuhayin ko siya kahit ano
man ang mangyari …”
Iyon ang kwento ng unang
kasama namin sa nag-share.
Napa “Shit!” naman ako sa sarili
sa pakiramdam na tila may
sumundot-sundot na kung ano
sa puso. May sumunod na mga
tanong sa kanya kagaya ng
natanggap na ba niya ang
kalagayan, ano ang naramdaman
niya ngayon para sa ama na
hindi nakapagbigay ng suporta,
ano ang dulot at impact ng
karanasan niya na iyon sa
pananaw niya sa buhay, kung
wala ba siyang pinagsisihan o
gusting ituwid sa sarili kung
mayroon man, at ano ang
naramdaman niya ngayong
nabunyag niya sa amin ang
sikreto niya.
Ang huling tanong na iyon at
ang sagot niya noong sinabi
niyang “gumaan ang
pakiramdam niya” sa pag-unload
niya sa amin ng kanyang
saloobin ang nagpaisip sa akin
ng malalim dahil naranasan ko
ang sinabi niya na sobrang hirap
kapag may itinatagong sikreto.
Noong wala nang nagtanong,
group hug.
Ang sunod na pangalang
nabunot ay sa isang lalaki. At sa
hotseat isiniwalat niya ang mga
hinanakit sa mga magulang
noong naghiwalay ang mga ito.
Syempre, umiiyak dahil sa mga
emotional at financial na
kahirapang naranasan. “Noong
una, sobrang sakit at hirap
tanggapin na ang papa ko ay
nasa ibang bahay, sa ibang
pamilya at kaming apat
magkakapatid ay nagkahiwa-
hiwalay din. Yun bang
pagbabago ng nakasanayan,
iyong pamilyang buo, iyong
pagmamahalan na nasira, iyong
saya na biglang naglaho.
Syempre, iyong pagmamahal ng
magulang, iyong psychological
na hirap, at dagdag pa dyan
iyong finances, hindi na kami
regular na binibigyan ng
suporta. Minsan walang pera,
walang baon, nangungutang
para lang maka-attend sa test,
iyong mangungutang ang mama
ko uli at hindi pauutangin dahil
may utang pang hindi
nabayaran … Hirap! Kahit anu na
lang ang naiisip ng mama ko. At
dahil sa ako ang panganay, di ko
na rin alam ang gagawin upang
makahanap ng paraan para
makatulong. Hindi ko alam kung
hanggang saan ang paghihirap
naming. Pero, para sa akin,
habang buhay, lalaban ako.
Pipilitin ko pa ring makatapus ng
pag-aaral upang makatulong at
maipakita sa papa ko na
mabubuhay kami kahit wala
siya…”
Iyan ang kwento ng
pangalawang buddy. At
pagkatapus, tanungan naman,
advice, at ang group hug noong
wala nang nagtanong.
Sa kabuuan, nagustuhan ko ang
takbo ng activity dahil kitang-
kita ko sa mga nagsi-share ang
sincerity nila at kawalang-takot
na ihayag ang mga saloobin.
Pansin ko rin ang dulot na saya
sa mga mukha nila ang pag-open
up, pag-unload ng mga saloobin
at ang relief na maramdamang
may mga taong nakakaintindi,
nakikiramay, nakikiiyak. At doon
ko rin na-realize na iba ’t-ibang
tao, iba’t-ibang drama sa buhay.
Minsan, akala mo ay walang
problema o matinding
karanasan, iyon pala ay
masasabi mong kung hindi
kasing-tindi, mas matindi pa ang
mga pagsubok na naranasan.
Ngunit may dulot din itong kaba
sa akin, syempre, dahil sa
nangyari sa akin, sa amin ni Lito.
“ Ah… bahala na!” sigaw ng utak
ko.
Ang sunod na tinawag ay si Lito.
Sa pagbigkas pa lang sa
pangalan niya, pakiramdam ko
ay may biglang kumalampag sa
dibdib ko at nagpalakas sa
kabog nito. Sinundan ng mga
mata ko ang pagtayo niya,
paglalakad patungo sa hotseat,
hanggang sa pag-upo niya.
Naka-cross leg siya at seryosong
nakatingin sa harap. Tinitigan ko
siya, nagbakasakaling titingin
din siya sa kinauupuan ko at
makuha niya ang ibig kong
ipahiwating – na huwag buksan
ang issue tungkol sa amin.
Ngunit hindi siya tumingin sa
akin.
“Mixed emotions ang
naramdaman ko sa activity natin
na ito …” ang pambungad niyang
salita. “Marahil ay sa panalabas
kong anyo, masasabi ninyong
wala akong problema dahil heto,
may kaya ang mga magulang ko,
ako naman ay kahit papaano,
nasa top 5 palagi ang pangalan
sa honor ’s list, at kung sa
postura ang pag-uusapan,
nakakalamang naman siguro ako
sa marami. ” Ang pag-describe
niya sa sarili.
Napatango naman ang lahat
dahil sa totoo lang din, gwapo si
Lito, matangkad, matalino, neat
at proportioned ang katawan,
magandang magdala ng damit,
at maraming tagahanga. Kung
tutuusin, nga di hamak na
maihahanay siya sa mga batang
sikat na mga artista at modelo sa
kasalukuyan.
“Walang dudang mahal na mahal
ako ng mga magulang ko. Simula
noong bata pa lamang, ramdam
ko na ang lubos na pagmamahal
nila sa akin. Akala ko normal
talaga ang lahat sa amin. Ngunit
noong magha-high school na
ako…” hindi naipagpatuloy ni
Lito ang sasabihin noong mag-
crack ang boses niya at
humagulgol na lang na parang
bata, halos nahirapan sa
paghinga.
Nilapitan siya ng moderator.
Nagsunuran na rin ang iba pa
naming mga kasamahan. Nag
group hug. “OK ka lang ba?
Ituloy pa natin? O kailangan
mong magbreak muna, tatawag
tayo ng iba ?”
Pinahid ni Lito ang mga luha sa
pisngi, ininum ang tubig na
ibinigay ng moderator. “Ok lang
buds, ituloy ko…” sagot niya.
At nagsibalikan kami sa mga
pwesto namin.
Nagpatuloy siya. “… Iyon nga,
noong maghigh-school na ako,
aksidente kong nabuksan ang
drawer sa kwarto ng mga
magulang ko at doon nakita ko
ang isang dokumento – adoption
papers. Doon ko nadiskubre na
ampon lang pala ako …” Huminto
muli si Lito ng sandali at pinahid
ang mga luha sa mukha,
halatang pinigilan ang sarili na
huwag humikbi. “Kinulit ko ang
mga magulang ko tungkol dito at
umamin sila. Ipinaampon daw
ako ako ng tunay kong mga
magulang. Noong malaman ko
iyon, naglayas ako ng isang
lingo dahil hindi ko matanggap-
tanggap na ang mga taong
nagpalaki at umaruga sa akin
simula noong bata pa ako ay
hindi ko pala tunay na mga
magulang. Ansakit … sobra. Iyon
bang feeling na parang
pinaglalaruan ka lang ng mga tao
at tadhana, na ipinasa-pasa lang
na parang tuta. Sobrang galit ang
naramdaman ko sa kanila, sa
mundo. Wala namang nagbago
sa pakikitungo at pagmamahal
ng mga itinuring ko ngayong
tunay kong mga magulang.
Ngunit ang sakit na nadarama
kong ipinamigay lang ako …
grabe. Hanggang ngayon, puno
pa rin ng galit ang puso ko para
sa kanila … kaya noong kausapin
ako ng mga magulang ko na
lilipat kami dito at dito na rin ako
mag-aaral, pumayag na rin ako.
Ayokong baka isang araw ay
makilala ko pa ang tunay kong
mga magulang doon sa malaking
syudad…”
Tahimik.
Hindi ko lubos maipaliwanag ang
tunay na naramdaman sa
pagkarinig sa kwento niya. Noon
ko lang nalaman na ampon lang
pala siya. Dahit dito, ang galit na
nadarama ko sa pambababoy na
ginawa niya sa akin ay parang
unti-unting humupa at parang
may kung anong awa ang
gumapang sa buo kong
katauhan. Biglang sumiksik sa
isipan ang eksena kung saan
nag-iiyak siyang amining mahal
niya ako, ang pag pakumbaba,
pagtiis, at pagtanggap niya sa
ginawa kong pananakit sa
kanya. Noon ko lang na-realize
na sobra-sobra pala ang
paghihirap niya at
nadaragdagan ko pa pala iyon.
Kampante na ang isip ko na iyon
lang ang iki-kwento ni Lito sa
grupo. Akala ko ay wala na
akong alalahanin pa sa mga
isiniwalat niya ngunit noong
may magsitanungan na,
nagsalita na naman ulit siya,
“ May isa pa akong sasabihin…”
Biglang natahimik uli ang lahat.
“Nitong bago lang, may isang
bagay din akong nadiskubre sa
sarili ko …” Huminto si Lito sa
pagsasalita, yumuko na parang
humugot ng lakas at bwelo.
Kinabahan naman ako at muling
kumabog ng malakas ang dibdib.
“ Tangina! Wag mong buksan!!!”
sigaw ng tuliro kong isip.
“Ewan ko ba ngunit may
nararamdaman ako para sa
isang kaibigan …”
Napayuko na lang ako, itinakip
ang dalawang kamay sa mukha,
inihanda ang sarili sa sasabihin
niya. “Arrgggghhh!” sigaw ng
utak ko.
(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment